Nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko sa bahagi ng EDSA Northbound partikular na sa bahagi ng Ortigas – Mandaluyong.
Ito’y matapos isara ang isang lane sa westbound lane ng Ortigas flyover patungong Greenhills sa San Juan City dahil sa nagliyab na SUV sa lugar.
Batay sa ulat ng BFP-NCR, nagsimula ang sunog dakong 9:10 ng umaga at agad na naapula dakong 9:34 ng umaga.
Agad na nakaresponde ang mga tauhan ng San Juan BFP gayundin ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para magmando ng trapiko sa lugar.
Kasunod nito, nagpaabiso ang MMDA sa mga motorista na maghanap ng alternatibong ruta habang nagpapatuloy ang clearing operations sa lugar. | ulat ni Jaymark Dagala