Umapela ang pamunuan ng UP Visayas sa Senado na mabigyan ng proteksyon ang kanilang mga estudyante laban sa diskriminasyon at red tagging habang tinitiyak ang paggalang sa kanilang mga karapatan.
Aminado kasi ang University of the Philippines-Visayas na malaking problema para sa kanilang mga estudyante ang isyu ng red-tagging.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous drugs, pinahayag ni UP Visayas Legal Office chief Atty. Nellie Regalado na mas problema ng kanilang mga estudyante ang red-tagging kaysa ang mga isyu ng mga naaaresto o nasawing militanteng estudyante na narerekrut ng mga local communist terrorist groups.
Pinaliwanag ng UPV official na nagkakaroon kasi ng imahe na kapag estudyante ng UP ay pinag-iisipan sila bilang komunista o di kaya ay terorista.
Sinabi ni Regalado na dahil dito ay nakakaranas ng diskriminasyon at harassment ang mga UP Visayas students kahit pa hindi naman sila miyembro ng mga komunistang grupo.
Kaya naman hiling ni Regalado na sanay ay maprotektahan ang kanilang mga mag-aaral laban sa mga harassment at red-tagging.| ulat ni Nimfa Asuncion