Pinawalang sala ng Department of Justice (DOJ) ang nasa 14 na pulis na nakusahang dumukot sa 4 na drug suspect sa Tagaytay City sa Cavite noong 2021.
Batay sa inilabas na resolusyon ni DOJ Assistant Prosecutor Honey Rose Delgado, walang sapat na ebidensyang magdiriin sa mga akusadong pulis.
Kabilang sa mga naabsuwelto sa kasong kidnapping sina PLtC. Ryan Jay Orapa, PLt Jesus Menes, PSSgt. Roy Pioquinto, PSSgt. Robert Allan Raz Jr., PSSgt. Denar Roda at PSSgt. Alfredo Andes.
Gayundin sina PCpl. Alric Natividad, PCpl. Ronald John Lanara, PCpl. Reynaldo Seno Jr, PCpl.. Troy Paragas, PCpl. Ronald Montibon, PCpl. Roscel Soloman, PCpl. Rhine Rosita at PCpl. Jovelyn Tamagos.
Sila ay pawang mga miyemrbo ng Regional Drug Enforcement Unit ng National Capital Region Police Office (RDEU-NCRPO)
Inihain ng National Bureau of Investigation – Task Force Against Illegal Drugs (NBI-TFAID) ang kaso laban sa mga nabanggit na pulis batay sa iprinesinta nitong kuha ng CCTV ng Coffee shop kung saan isinagawa umano ang pagdukot.
Subalit nang suriin an CCTV ay hindi napatunayan sa video ang pagkakakilanlan ng mga inirereklamo.
Balik na sa serbisyo ang mga nasabing pulis, maliban lang kay Paragas na mayroong ibang kinakaharap na kaso.| ulat ni Jaymark Dagala