Ininspeksyon ni Agriculture Sec. Francisco Tiu-Laurel Jr. at ng mga opisyal ng Bureu of Customs ang nasabat na 5 container vans sa Subic Port na nadiskubreng may lamang mga undocumented agri products.
Ang container vans na mula sa Betron Consumer Goods Trading, idineklarang naglalaman ng Frozen Fish Egg Balls pero nang buksan ay tumambad din ang mga carrots at puting sibuyas na mula sa China
Ayon kay Agri Sec. Tiu-Laurel, nasa kabuuang 144 na tonelada ng carrots at sibuyas ang nakumpiska sa mga shipment na may katumbas na P21-M halaga.
Ilan lang sa nakitang paglabag ng shipment na ito ay ang kawalan ng Certificate of Product Registration mula sa Food and Drugs Administration (FDA) at gayundin ang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance para sa fresh carrots.
Ayon kay Sec. Tiu-Laurel, malinaw na mga smuggled goods ang mga nasabat na umano’y nagkakait sa gobyerno ng kita mula sa taripa, nagdudulot ng panganib sa kalusugan ng publiko, at sumisira sa kabuhayan ng mga magsasaka ng gulay.
Posibleng maharap ang consignee nito sa patong patong na kaso kabilang ang paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.
Kasunod nito, tiniyak ng kalihim na hindi titigil ang kagawaran sa pagtugis sa mga smuggler ng agri products. | ulat ni Merry Ann Bastasa