Hawak na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pito sa mga kapwa akusado ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo sa kasong Qualified Human Trafficking na isinampa sa Pasig City Regional Trial Court.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, lima sa mga akusado ang sumuko sa NBI Central Luzon kabilang ang presidente ng POGO na Zun Yuan Technology Center habang dalawa naman ang sumuko sa Task Force Bamban na treasurer at secretary ng nabanggit na kumpanya.
Ayon sa mga akusado, nagdesisyon silang humarap dahil sa takot at para malinis ang kanilang mga pangalan na umano’y nagamit lang.
Karamihan din sa mga sumuko ay sinasabing hindi kilala si dismissed Tarlac Mayor Alice Guo.
Habang ang presidente naman ng Zun Yuan POGO na umano’y isang TV host ay aminadong nakilala si Guo pero iginiit na walang koneksyon dito at lehitimo ang kanyang negosyo.
Ayon naman kay Director Santiago, isusumite na nila ngayong araw sa korte ang Return of Warrant sa mga akusado at hihintayin ang Commitment Order kung saan madedetine ang mga ito.
Makikipag-ugnayan rin umano sila sa korte para mabigyan ng proteksyon ang mga ito lalo’t nangangamba sila ngayon sa kanilang kaligtasan.
Tiniyak naman ng NBI na hindi ito tumitigil para mahanap ang iba pang kapwa akusado ni Guo na karamihan ay mga Chinese. | ulat ni Merry Ann Bastasa