Nagkasundo ang Armed Forces of the Philippines at Indian Armed Forces na palawakin ang kanilang kooperasyong pandepensa kasunod ng serye ng pagpupulong ng mga opisyal ng dalawang panig sa Camp Aguinaldo kahapon.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, ang isinagawang 5th Joint Defense Cooperation Committee (JDCC) at 3rd Service-to-Service (STS) Meeting ay naging pagkakataon para talakayin ng magkabilang panig ang mga planong kolaborasyon sa hinaharap.
Dito’y ibinahagi ng magkabilang panig ang mga stratehiya para tugunan ang mga isyung panseguridad sa rehiyon, partikular ang maritime security at freedom of navigation.
Ayon kay Trinidad, layon ng AFP at Indian Armed Forces na palakasin ang kanilang “operational coordination” sa pamamagitan ng joint exercises, training programs, at technology exchanges.
Dagdag ni Trinidad, lalong tumatag ang relasyong militar ng Pilipinas at India matapos na bumili ang AFP sa India ng 3 BrahMos cruise missile batteries na gagamitin para sa shore-based anti-ship missile system ng Phil. Navy. | ulat ni Leo Sarne
📷 Photos by SSg Amagan/PAOAFP