Nakahanda ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipiit sa kanilang pasilidad si Kingdom of Jesus Christ Leader, Pastor Apollo Quiboloy at 4 na iba pa.
Ito’y sa sandaling magpasya ang mga korte na humahawak ng kaso nila Quiboloy na pagbigyan ang hirit ng kampo nito na ilipat sa Kampo Aguinaldo ang kostudiya sa mga akusado.
Ayon kay AFP Spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla, kanilang igagalang ang anumang magiging pasya ng korte at tatalima sila rito.
Gayunman, sinabi ni Padilla na nagsalita na ang Department of National Defense hinggil sa usapin subalit hindi sila magsasara ng pintuan sakaling magbago ang ihip ng hangin.
Una nang iginiit ng DND na hindi miyembro ng militar sina Quiboloy at wala silang kinahaharap na kaso sa Court Martial kaya’t walang pangangailangan para dito sila ipiit. | ulat ni Jaymark Dagala