Umaasa ang National Economic and Development Authority (NEDA) na agarang maipapasa sa Kongreso ang Open Access in Data Transmission Bill o mas kilala bilang “Konektadong Pinoy Bill.”
Layon nito na matiyak na maibibigay ng pamahalaan ang mabilis, maaasahan, at abot-kayang internet acces para sa lahat ng mga Pilipino.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, muli nilang itinulak ang nabanggit na panukala sa nakalipas na Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) Meeting kamakalawa.
Binigyang-diin ni Balisacan na naka-angkla ang Konektadong Pinoy Bill sa Philippine Development Plan 2023-2028 kung saan, pakikinabangan ito ng iba’t ibang sektor gaya ng ICT, Education, Health, at Agriculture.
Kabilang ang panukala sa mga tinukoy na priority bill ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang chairperson ng LEDAC sa ilalim ng Common Legislative Agenda bago tuluyang magtapos ang ika-19 ng Kongreso.
Nakapasa na ang panukala sa Kamara habang kasalukuyan pa rin itong nakabinbin sa plenaryo ng Senado. | ulat ni Jaymark Dagala