Niratipikahan na ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas tungkol sa pagpapaigting ng paghahatid ng mental health services sa mga estudyante.
Ayon kay Senate Basic Education Committee chairman Senador Sherwin Gatchalian, layon ng napagkasundong bersyon ng Senate Bill 2200 at House Bill 6574 na patatagin ang mental health program ng Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng pagbuo ng school-based mental health program.
Sa ilalim nito ay palalawakin ang kaalaman sa mental health, tututukan ang mental health concerns ng mga mag-aaral at paiigtingin ang mga hakbang para mapigilan ang pagtaas ng mga kaso ng suicide.
Imamandatao rin ng panukalang batas ang pagkakaroon ng Mental Health and Well-Being Office sa bawat School Division.
Pamumunuan ito ng isang Schools Division Counselor na dapat ay isang Registered Guidance Counselor o Registered Psychologist.
Magkakaroon naman ang bawat pampublikong paaralan ng Care Center para maghatid ng mga mental health services sa mga paaralan.
Sa pamamagitan rin ng panukala ay magkakaroon ng plantilla positions para sa School Counselor I to IV, School Counselor Associate I to V, at Schools Division Counselor.
Nagpahayag naman ng suporta sa panukala si Senadora Pia Cayetano at pinuntong makakatulong ito para matugunan ang kakulangan ng guidance counselors sa mga eskwelahan.
Napapanahon rin aniya ito lalo na matapos lumabas ang isang pag-aaral na ang Pilipinas ang maituturing na ‘bullying capital’ sa Southeast Asia.| ulat ni Nimfa Asuncion