Pahirapan ang isinagawang paghahanap ng mga tauhan ng Antipolo BFP, Antipolo PNP at mga kawani ng barangay sa mga nawawala sa Sitio Banaba, Barangay San Luis, Antipolo, Rizal.
Ito ay dahil sa pabugso-bugsong ulan na nararanasan dito sa lugar.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas kay Barangay San Luis Chairman Crisol Cate, kinumpirma nitong nahanap na ang isa pang katawan ng lalaking nawawala.
Sinabi rin nito na unang beses na nangyari itong pagbaha sa kanilang barangay at iba pang sitio.
Kabilang ito sa limang magkakamag-anak na nawawala matapos na anurin ang kanilang bahay dahil sa malakas na ulan.
Nakausap din ng Radyo Pilipinas ang kaanak ng mga biktima na si Ian Negro, 25 taong gulang, kung saan umaasa itong mahahanap ang kaniyang nanay at pamangkin na lalaki na walong taong gulang.
Bandang alas-5:30 ng hapon naman itinigil na operasyon dahil madilim na at hindi na rin ligtas para sa mga rescuer.
Bukas naman ipagpapatuloy ang paghahanap dito sa mga nawawala pa.
Tiniyak ni Chairman Cate na hindi sila titigil para mahanap ang mga missing.| ulat ni Diane Lear