Nagkasa na ng motu proprio investigation ang Commission on Human Rights (CHR) sa Region 7 kaugnay sa reklamong ‘sexual advances’ laban sa isang guro na umano’y nangagat ng dalawang estudyanteng lalaki.
Sa inisyal na ulat, sinabi ng mga biktima na pinilit ng kanilang guro na ipakita ang kanilang abs, ngunit tumanggi sila, bagay na ikinagalit ng guro kaya kinagat ang 17-taong gulang na biktima sa likod at sa kanang braso naman ang 14-na taong gulang na biktima.
Ayon sa CHR, nakikipag-ugnayan na ito sa pamilya ng mga biktima at sa Philippine National Police (PNP) sa Region 7.
Kaugnay nito, mariin namang kinondena ng CHR ang anumang uri ng sexual advances, at hindi naaangkop na asal lalo na sa mga bata, at partikular sa mga institusyong pang-edukasyon.
Ayon pa sa CHR, labis na nakakabahala ang mga ganitong insidente lalo’t kinasasangkutan ng mga guro, na may responsibilidad na itaguyod ang edukasyon ng kanilang mga mag-aaral.
Handa naman aniya ang CHR na magbigay ng suporta at tulong sa mga biktima at kanilang pamilya.
Hinikayat din nito ang mga biktima na maghain ng kaso laban sa guro. | ulat ni Merry Ann Bastasa