Alas-3 ng umaga nang makarating sa Kampo Crame si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Inihatid si Guo sa pamamagitan ng isang convoy ng Philippine National Police (PNP) mula sa Royal Star Hangar sa Pasay City.
Pagdating sa Crame, agad idiniretso sa PNP Custodial Center si Guo kasama ang mga opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Dito pansamantalang magpapahinga ang dating alkalde at matapos nito’y ihahatid siya sa Capas, Tarlac para doon isauli ang Warrant of Arrest na inilabas ng 3rd Judicial Region, Branch 109.
Magugunitang ipinaaaresto ng naturang korte si Guo dahil sa kasong graft dahil sa pagpayag umano nitong mag-operate ang iligal na POGO sa lupaing Boufu Realty na dati niyang pagmamay-ari.
Kasunod nito, sinabi ni PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo na malinaw ang atas ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. na walang VIP treatment na ibibigay kay Guo at itatrato ito bilang ordinaryong detenido. | ulat ni Jaymark Dagala