Nagsanib pwersa ang Department of Migrant Workers (DMW) at ang Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Sur upang paigtingin ang kampanya laban sa illegal recruitment at human trafficking sa mga lokal na komunidad.
Lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sina Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac at Camarines Sur Governor Vicenzo Renato Luigi Villafuerte sa Naga City.
Ang MOA ay naglalayong protektahan ang mga overseas Filipino worker laban sa mga illegal recruiter, trafficker, scammer, at sindikato sa pamamagitan ng mga public information drive tungkol sa ligtas na migration.
Magtutulungan ang DMW, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Labor and Employment (DOLE), Technical Skills and Development Authority (TESDA), at ang mga lokal na pamahalaan sa Camarines Sur upang magbigay ng komprehensibong serbisyo para sa reintegration ng mga OFW at kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagtatatag ng OFW Help Desk. | ulat ni Diane Lear