Ipinababatid ng Department of Public Works and Highways – North Manila District Engineering Office (DPWH-NMDEO) na mananatili ang bahagyang pagsasara sa bahagi ng westbound lane ng R. Magsaysay Boulevard sa lungsod ng Maynila para sa drainage construction na isinasagawa nito sa lugar.
Ayon sa DPWH-National Capital Region, simula pa kahapon ay sinimulan na nitong isinara ang nasabing bahagi ng kalsada at inaasahang magtatagal hanggang sa pagtatapos ng proyekto pagsapit ng ika-26 ng Enero 2025.
Sakop ng proyekto ang 214 na metro ng kalsada mula Pureza Street, kasama ang 34.7 na metro na tatawid sa eastbound lane.
Pinapayuhan naman ang mga motorista na maghanda sa mabagal na daloy ng trapiko dahil dito. Iminumungkahi ng DPWH ang paggamit ng mga alternatibong ruta upang maiwasan ang abala.
Ayon sa ahensya, bahagi ito ng kanilang patuloy na pagsusumikap na mapabuti ang kaligtasan at kahusayan ng mga kalsada sa Metro Manila. | ulat ni EJ Lazaro | RP3 Alert