Namahagi ang Philippine Red Cross (PRC) ng mainit na pagkain sa halos 2,000 indibidwal na naapektuhan ng malalakas na pag-ulan at pagbaha sa Negros Occidental at Palawan.
Ito ay dulot ng habagat na pinalakas ng bagyong Gener at bagyong Helen.
Sa pinakahuling tala ng PRC Operations Center, may 71 binuksan na evacuation center na nagsisilbing pansamantalang tirahan ng mahigit 2,600 pamilya o mahigit 9,700 na indibidwal sa Negros Occidental at Palawan.
Ayon kay PRC Chairperson Richard Gordon, patuloy ang paghahanda ng kanilang mga kagamitan at pagpapakilos ng mga volunteer sa buong bansa upang agad na matulungan ang mga apektadong komunidad.
Tiniyak din ng PRC, na naka-stand by ang kanilang mga emergency response unit (ERU) sa iba’t ibang mga chapter sakaling magkaroon ng mas maraming baha at iba pang mga emergency. | ulat ni Diane Lear
Photo: PRC