Natanggap na ng mahigit 1,000 mga magsasaka, mangingisda, at kanilang mga pamilya na naapektuhan ng El Niño sa Lanao del Norte ang tulong pinansyal na ipinagkaloob ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nagkakahalaga ng halos ₱14 na milyon.
Ipinamahagi ito noong Huwebes, Setyembre 5, sa Mindanao Civic Center (MCC), Tubod, sa lalawigan at nakatanggap ang mga ito ng tig-₱10,000.
Ayon sa isang magsasaka na si G. Jose Jimmy P. Agan, mula sa Tubod, masyadong kaunti ang kaniyang naaning palay noong buwan ng Marso bunsod ng El Niño.
Lubos naman ang kaniyang pasasalamat kay Pangulong Marcos Jr. dahil isa siya sa mga nakatanggap ng ayuda at gagamitin niya ito na pambili ng pataba, at gamot para sa kaniyang palayan.
Matatandaang personal na ibinahagi ni Pangulong Marcos Jr. ang tseke noong May 16, sa Mindanao State University-Iligan Institute of Technology (MSU-IIT) kasabay ng mga benepisyaryo sa Iligan City, at Misamis Occidental na napabilang sa apat na milyong mga Pilipinong apektado ng El Niño phenomenon sa buong bansa. | ulat ni Sharif Timhar, Radyo Pilipinas Iligan