Inaresto ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang higit sa 100 dayuhan sa isang operasyon na isinagawa nito sa Lapu-Lapu City kung saan nag-o-operate ang napag-alaman nitong illegal online gaming hub doon.
Ayon kay BI intelligence chief Fortunato Manahan Jr., ang operasyon ay bunsod ng isang mission order laban sa 13 iligal na dayuhan, ngunit doon nila natuklasan ang mas malaking operasyon ng illegal online gambling sa isang makeshift na workstation.
Kasama ng BI sa nasabing raid ang iba’t ibang ahensya tulad ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at National Bureau of Investigation (NBI).
Sumailalim naman ang mga naarestong indibidwal sa inquest proceedings at pansamantalang idinitine bago ang posibilidad ng mga itong mapa-deport.
Sa pahayag ni BI Commissioner Norman Tansingco, sinabi nitong maaaring kasuhan din ang mga may-ari ng resort kung saan isinasagawa ang iligal na sugal dahil sa pagpapapasok ng mga sinasabing nitong mga illegal alien sa loob ng property nito para pagtakpan ang kanilang operasyon. Nagbabala din si Tansingco sa mga kapwa iba pang nagbabalak magsagawa pa ng mga iligal na online gambling operation sa bansa na nauna nang binan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.| ulat ni EJ Lazaro