Plano ng DA-Bureau of Animal Industry at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magdagdag ng mga African Swine Fever (ASF) checkpoint sa iba’t ibang lugar sa National Capital Region (NCR).
Layon nitong pigilan ang pagpasok sa NCR ng mga produktong baboy at live hog na maaaring kontaminado ng ASF.
Sa isinagawang Metro Manila Council meeting ngayong araw sa Pasig City, sinabi ng kinatawan ng BAI na ang dagdag na anim na inspection sites ay itatalaga sa iba’t ibang lugar sa Quezon City, Valenzuela, at North Caloocan.
Inihayag naman ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes na dapat handa rin ang mga lokal na pamahalaan sa pakikipagtulungan sa BAI sa paglalagay ng inspection site at checkpoints.
Kabilang sa mga tulong na maaaring ibigay ay ang pagpapahiram ng mga kagamitan tulad ng upuan at iba pang pangangailangan sa inspection site, at dagdag na tauhan na magbabantay sa mga naturang lugar.
Sa ngayon, mayroong 12 aktibong quarantine checkpoint ang BAI sa NCR. Bukod dito, naglagay pa sila ng extension ng quarantine checkpoint sa labas ng rehiyon.| ulat ni Diane Lear