Nasa Custodial Facility na ng Philippine National Police (PNP) si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Founder, Pastor Apollo Quiboloy gayundin ang apat pa nitong kasabwat sa kasong Child Abuse, Sexual Abuse, at Qualified Human Trafficking.
Ito’y makaraang mapasakamay sa PNP ang kustodiya sa limang akusado buhat sa KOJC Compound sa Davao City, bunga ng ikinasang operasyon ng Pulisya katuwang ang Militar.
Kasamang naaresto ni Quiboloy sina Jackielyn Roy, Ingrid Canada, Cresente Canada, at Sylvia Cemañes.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, alas-5:30 kahapon nang makuha ng PNP ang kustodiya kina Quiboloy, saka sila dinala patungong Maynila sakay ng C-130 plane ng AFP at dumating sa Villamor Airbase ng alas-8:30 ng gabi.
Idiniretso ang mga ito patungong Kampo Crame at nakarating dakong alas-9:30 ng gabi kung saan sila dinala sa PNP Custodial Facility.
Sila ay sumailaliim sa medical at physical examination na sinundan naman ng booking procedure kasama na ang fingerprint at mugshot bilang bahagi ng proseso.
Kasunod nito, sinabi ni Fajardo na bagaman may ilan sa mga akusado ang nakaranas ng high blood pressure subalit sa kabuuan ay stable naman ang kanilang kalagayan. | ulat ni Jaymark Dagala