Nagbigay ng kani-kanilang reaksyon ang mga dating pinuno ng Philippine National Police (PNP) sa usapin ng umano’y pagtanggap ng payola mula sa POGO gayundin ang umano’y nasa likod ng pagtakas ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ito’y makaraang ibunyag ni retired Commodore at PAGCOR Executive Raul Villanueva sa pagdinig ng Senado ang pagkakasangkot ng isang dating PNP chief sa usapin.
Ayon kay dating PNP Chief Oscar Albayalde, hindi niya kailanman naka-engkuwentro o nakilala nang personal si Guo.
Hamon naman ni dating PNP Chief Rodolfo Azurin, pangalanan ni Villanueva kung sino ang tinutukoy niyang dating pinuno ng PNP na sangkot sa usapin upang mapanagot.
Kung mapatunayang nagsisinungaling si Villanueva, sinabi ni Azurin na dapat kumilos si PNP Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil para maghain ng kaukulang kaso dahil nakasisira ito sa imahe ng kanilang hanay.
Para naman kay dating PNP Chief Benjamin Acorda Jr., nalalagay sa balag ng alanganin ang pangalan ng mga dating naging PNP chief at ang walang habas na pagdarag sa naturang posisyon ay hindi patas sa mga walang kasalanan.
Samantala, wala pang pahayag ang iba pang mga dating PNP chief na sina Archie Gamboa, Debold Sinas, at Dionardo Carlos.
Una rito, ipinag-utos na ng kasalukuyang liderato ng PNP ang malalimang imbestigasyon hinggil sa usapin dahil itinuturing nila itong seryosong tsismis na may malaking epekto sa kanilang organisasyon. | ulat ni Jaymark Dagala