Tiniyak ni Senate Committee on Games and Amusement chairman Senador Mark Villar na hindi maaapektuhan ng POGO ban ang mga mangagawa Special Class Business Process Outsourcing (SCBPO).
Ginawa ng senador ang pahayag matapos mag-inspeksyon sa ilang SCBPO offices sa Pasay City kahapon kasama ang PAGCOR at si Senate Committee on Ways and Means chairman Senador Sherwin Gatchalian.
Ayon kay Villar, ginawa nila ang inspeksyon para makita ang operasyon ng mga SCBPO at maintindihan kung ano ang kaibahan nila sa mga POGO na ipapasara na bago matapos ang taon.
Layon aniya nilang matiyak na lehitimo ang operasyon ng mga SCBPO dahil ayaw nilang mawalan ng trabaho ang ating mga kababayan.
Sa ngayon, higit limang libong Pilipino ang nagtratrabaho sa mga SCBPO sa bansa.
Sa naging pagdinig sa Senado, pinaliwanag na kaiba sa mga POGO, ang mga SCBPO ay nagsisilbi lang na mga service provider sa iba’t ibang klase ng kumpanya sa ibang bansa.
Hindi rin tumatanggap ng mga taya ang mga SCBPO hindi gaya ng mga POGO.| ulat ni Nimfa Asuncion