Agad tinugunan ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas ang mga kinakailangang tulong para sa walong pamilya na apektado ng nangyaring sunog sa San Jose Street, Brgy. Elias Aldana, Las Piñas City nitong September 25 ng gabi.
Kasalukuyang nanunuluyan ang mga apektadong residente sa evacuation center sa Elias Aldana Covered Court na nakatakdang bisitahin ni Vice Mayor April Aguilar upang personal na alamin ang kanilang kalagayan at ipaabot ang mga kinakailangang tulong sa pangangasiwa ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
Ayon sa inisyal na ulat ng Las Piñas City Bureau of Fire Protection, dakong 10:45 ng gabi nang iakyat sa unang alarma ang sunog sa residential area sa naturang lugar.
Kumalat ang apoy kung saan tinatayang limang bahay na pawang gawa sa light materials ang natupok ng sunog.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog bago tuluyang naapula bandang 11:38 ng gabi.
Wala namang naiulat na nasaktan o namatay sa nangyaring insidente.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng awtoridad upang alamin ang sanhi ng sunog sa lugar. | ulat ni Lorenz Tanjoco