May karagdagang benepisyong alok ang Social Security System (SSS) sa mga retiradong miyembro na may buwanan nang natatanggap na pension.
Ito ay ang Pension Loan Program na isang programang pautang na may mababang interes para sa mga SSS pensioner.
Sa ginanap na Pensioners’ Day, muling hinikayat ni SSS Comm. Robert Joseph M. De Claro ang mga pensioner na mag-avail ng programa lalo na kung sila ay may agarang pangangailangang pinansyal.
Sa ilalim ng Pension Loan Program, hanggang P200,000 ang maaaring iloan na may 10% annual interest rate.
Ayon kay Comm. De Claro, walang dapat ipagalala ang mga pensioner dahil may matitira pa rin silang pensyon na hindi bababa sa 47.25% ng kabuuang buwanang pensyon kapag nagsimula na silang magbayad ng buwanang amortisasyon.
Maaaring magsumite ng loan application sa pamamagitan ng kanilang My.SSS account o sa pinakamalapit na SSS branch office.
Kaugnay nito, inilunsad din ngayon ang kampanya nitong SSS Kwentong Pensyonado na maaaring salihan ng kanilang pensioners.
Dito, ibabahagi lang ng pensioner kung paanong nakatulong ang SSS Pension Loan sa kanya o sa kanyang pamilya.
Maaaring magpost sa SSS Facebook Page ng entry mula Sept. 6-20 at pipili ang SSS ng 11 kwentong pensyonado entries na mananalo ng premyo at itatampok sa kanilang social media page.
Ang Pensioners Day ay bahagi ng selebrasyon ng ika-67 anibersaryo ng SSS kung saan kinikilala ang kontribusyon ng nasa 3.5 milyong SSS pensioners. | ulat ni Merry Ann Bastasa