Inihayag ni Philippine Army (PA) 102nd Brigade Commander BGen. Elmer B. Suderio, na naiiba ang deklarasyon ng lalawigan ng Misamis Occidental bilang ‘insurgency-free’ dahil ‘zero’ o tuluyang naubos ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) at insurhensiya sa lalawigan.
Ito ang kaniyang pahayag kasabay ng isinagawang pagdeklara ng naturang lalawigan bilang ‘insurgency-free’ na personal na pinanguhan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Biyernes, Setyembre 27, sa Tangub City Global College Sports Complex, Lungsod ng Tangub.
Kumpiyansa naman si Suderio na hindi na muling makakabangon ang dalawang mga armadong grupo na Guerilla Front (GF) Sendong at Western Mindanao Regional Party Committee dahil nabuwag na ito ng puwersa ng pamahalaan at wala nang natira ni isa sa mga ito.
Nilinaw rin ni Suderio na isa sa mga hakbang sa pagpapabilis sa pagsugpo laban sa mga armadong grupo ay ang Executive Order No. 70 o ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Aniya, lahat ng ahensya ng pamahalaan, komunidad, at non-government organizations, ay nagtulungan upang wakasan ang insurhensiya sa lalawigan.| ulat ni Sharif Timhar| RP1 Iligan