Binugbog ang isang tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Pasay City.
Ayon kay MMDA Special Operations Group Strike Force Head Gabriel Go, nangyari ang insidente nang isinasagawa nila ang paghatak sa isang sasakyan na iligal na nakaparada sa kahabaan ng FB Harrison kaninang tanghali.
Habang hinahatak ang sasakyan, lumapit ang suspek na vini-video ang pangyayari hanggang sa itutok nito ang cellphone sa mukha ng traffic enforcer.
Hinawi naman ng traffic enforcer ang kamay ng suspek at dito na nga nagsimulang suntukin ng suspek ang traffic enforcer.
Umiwas na sa gulo ang traffic enforcer at aalis na sana pero habang nakasakay sa motor ay muli itong sinuntok sa mukha ng suspek dahilan para tuluyang bumagsak ang traffic enforcer.
Agad naman humingi ng tulong ang MMDA sa Pasay PNP at dito nahulihan ng mga awtoridad ng hinihinalang iligal na droga sa bulsa ang suspek.
Sa ngayon, patungo na si Go sa Pasay Police Station para pormal na maghain ng reklamo laban sa suspek.| ulat ni Diane Lear