Nagpaalam na sa hanay ng Philippine National Police (PNP) si PLtG. Jon Arnaldo bilang The Chief of the Directorial Staff (TCDS).
Ito’y kasunod ng kaniyang nakatakdang pagreretiro sa serbisyo sa Oktubre a-3 kasabay ng mandatory retirement age na 56.
Sa flag raising ceremony sa Kampo Crame, nagpasalamat si Arnaldo kay PNP Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil sa tiwala at kumpiyansang ibinigay nito sa kaniya.
Binigyang diin pa ni Arnaldo ang kahalagahan ng pagkakaisa at suporta sa bawat isa upang matamo ang tagumpay ng kanilang misyon.
Dahil dito, si PLtG. Michael John Dubria na lamang ang maiiwang senior official sa Command Group ng PNP.
Una nang sinabi ni Marbil na asahan na ang re-assignment sa matataas na opisyal ng PNP dahil sa mga nakatakdang magretiro ngayong Oktubre. | ulat ni Jaymark Dagala