Nalalapit na ang pagwawakas ng operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City.
Ito ang pagtitiyak ni Police Regional Office 11 Director, PBGen. Nicolas Torre III makaraang kumpirmahin nito na natunton na nila ang eksaktong kinaroroonan ni KOJC Founder Pastor Apollo Quiboloy.
Gayunman, aminado si Torre na bagaman lumiliit na ang ginagawalan ng Pastor, lalong nagiging pahirapan ang kanilang galaw dahil sa pag-alma ng mga tagasunod nito.
Subalit, iginiit ni Torre na hindi sila titigil hangga’t hindi nila naisasakatuparan ang kanilang misyong isilbi ang warrant of arrest laban kay Quiboloy at sa iba pang kapwa akusado nito.
Kasunod nito, sinabi ni Torre na kaniyang inaako ang lahat ng pananagutan sa operasyong ito dahil ang kanilang mandato ay tiyakin ang kaligtasan ng mas nakararami at ipatupad ang batas nang walang pagtatangi. | ulat ni Jaymark Dagala