Pinaglaanan ng Department of Transportation (DOTr) ng P300 million na pondo ang pagpapatayo ng bagong sheltered port sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea ayon kay Makati City Rep. Luis Campos Jr., vice chairperson House committee on appropriations.
Sa pamamagitan ng pagpopondo na ito, kabuuang P2.6 billion na ang naibubuhos sa infrastructure projects sa Kalayaan Island Group.
Matatandaan na sa ilalim ng 2024 National budget ay pinaglaanan na ng P1.5 billion ang pagpapalawak sa 1.3-kilometer runway ng Pag-asa Airport at P800 million para sa sheltered port sa Lawak Island.
Pinatatatag ng Pilipinas ang posisyon nito sa Kalayaan Island Group sa pamamagitan ng mga imprastraktura at civilian settlements sa gitna na rin ng ginagaaang pagtatayo ng China ng artificial islands sa Spratly’s. | ulat ni Kathleen Forbes