Ipinaliwanag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na dala ng sama ng panahon ang dahilan ng pagbaba ng bilang ng mga barko ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang inihayag ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, RAdm. Roy Vincent Trinidad kasunod ng kanilang ulat na nabawasan pa ang bilang ng mga barko ng China sa naturang karagatan.
Ayon kay Trinidad, aabot sa 50 barko ng China ang nawala sa WPS sa nakalipas na 1 linggong monitoring.
Samantala, sinabi naman ni Trinidad na napalilibutan pa rin ng mga barko ng China ang Sabina o Escoda Shoal.
Pagtitiyak naman ng AFP, ginagawa nila ang lahat para protektahan ang mga feature ng bansa sa West Philippine Sea sa gitna na rin ng maigting na presensya ng China. | ulat ni Jaymark Dagala