Ibinida ni PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo ang malaking tulong ng intelligence-cooperation ng PNP sa kanilang Indonesian National Police sa matagumpay na pagkakaaresto kay dating Bamban Mayor Alice Guo.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, pinaliwanag ni Fajardo na may Memorandum of Agreement ang PNP at Indonesian National Police noon pang 2017 para sa paglaban sa transnational crimes at pagpapalitan ng “intelligence information.”
Ayon kay Fajardo, nagkausap na kaninang alas-8 ng umaga si PNP Chief Police General Rommel Francisco at ang kanyang Indonesian counterpart sa pamamagitan ng Zoom para ayusin ang pag-deport sa Pilipinas ni Guo.
Dito napag usapan ang proseso ng palilipat ng “custody” mula sa Indonesian Police papunta sa PNP.
Kaugnay nito, sinabi ni Fajardo na inaasikaso na rin ng PNP at DILG ang proseso ng pagbabalik ni Guo sa Pilipinas. | ulat ni Leo Sarne