Nasa 300 containers ng bigas, mula sa 888 na overstaying sa mga pantalan sa Maynila ang na-pull out na nitong weekend.
Ayon kay Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago, madadagdagan pa ang bilang na ito sa mga susunod na araw, lalo’t ito ngayon ang tutok ng kanilang tanggapan.
“Sa patuloy pong pakikipag-ugnayan natin sa Department of Agriculture ay nagkasundo po tayo na magku-conduct pa po tayo ng mas maigting na monitoring po partikular hindi lamang po sa bigas kung hindi sa iba pa pong prime commodities katulad po ng karneng baboy, manok at ng sibuyas para ma-monitor din po natin kung iyon nga pong ganitong kaugalian na naiiwan po sa ating mga pantalan iyong mga shipments ay nangyayari din po sa ibang mga commodities.” -GM Santiago.
Sa press briefing sa Malacañang sinabi ng opisyal na binigyan nila ng hanggang katapusan ng buwan ang mga consignee upang mailabas ang mga nalalabing container sa pantalan.
Kung hindi aniya ma-claim ang mga ito pagpasok ng Oktubre, idi-deklarang abandoned ang mga bigas na ito, at ipauubaya na sa Bureau of Customs (BOC) kung isasailalim sa auction o ipamimigay ang mga bigas na ito.
Kaugnay naman sa posibleng pagsasampa ng kaso sa mga consignee, sakaling mayroong makitang hoarding o profiteering sa mga naka-tenggang container na ito, sabi ni Agriculture Asec Arnel de Mesa, sinusuri na ito ng pamahalaan.
“Part iyan ng pagsusuri natin, sa ngayon hindi pa natin nakita. But, kami ngayon ang concern namin iyong food safety, may nabanggit si GM kanina na isa lang naman na kargamento na 275 days, so nine months na iyan na nakatengga, plus kailangan ding makita kung kailan iyan na-harvest, kasi kapag tumagal ng isang taon, medyo matagal na iyong bigas. We just would like to ensure food safety noong bigas na iyon.” -Asec de Mesa. | ulat ni Racquel Bayan