Mahigit P2.2-B ang iniwang pinsala ng bagyong Enteng sa sektor ng Agrikultura.
Batay ito sa pinakahuling situationer report ng Department of Agriculture (DA) mula sa mga natatanggap nilang ulat buhat sa kanilang mga regional office sa mga apektadong rehiyon sa bansa.
Kabilang na rito ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region gayundin sa Western at Eastern Visayas.
Kasunod nito, ini-ulat din ng DA na aabot sa 59,669 o halos 60,000 magsasaka ang apektado ng kalamidad kung saan, labis na napinsala ang mga palayan, maisan, koprahan gayundin ang livestock
Dahil dito, nakapagpamahagi na ang DA ng mahigit 202.8 milyong pisong halaga ng ayuda sa mga magsasaka na ipinadala sa mga apektadong rehiyon. | ulat ni Jaymark Dagala