Pinag-iingat ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime group (ACG) ang publiko sa mga mapanlinlang na Facebook page na nagbibigay ng paalala tungkol sa mga online scam at nag-aalok ng tulong sa pag-rekober ng mga na-hack na account.
Ito’y matapos na makarating sa kaalaman ng ACG ang dalawang Facebook page na may pangalang “legal aid” at “anti-internet fraud help.”
Ang dalawang FB page ay mayroong larawan ni dating ACG Director Police Maj. Gen. Sydney Sultan Hernia at pinapaalalahan ang publiko tungkol sa cyber security.
Pero ayon sa ACG, ang pag-alok ng mga page na ito ng kanilang serbisyo sa pag-rekober ng mga na-hack na account, at maging perang nakuha ng mga scammer sa mga biktima, ay isang uri din ng scam.
Paalala ng ACG sa publiko na mag-doble ingat at maging mapanuri sa pakikipag-transaksyon sa mga nakakausap lang online lalo na kung hindi sila personal na kilala. | ulat ni Leo Sarne
📸: ACG