Binalaan ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Rommel Francisco Marbil ang mga pulis na huwag magpagamit sa mga politiko sa darating na halalan.
Ang babala ay ginawa ni Gen. Marbil sa gitna ng paghahanda ng PNP para sa 2025 National and local Elections na magsisimula sa filing of Certificates of Candidacy sa unang linggo ng Oktubre.
Binilinan ni Gen. Marbil ang mga pulis na paigtingin ang kanilang preparasyon, kasabay ng paalala na manatiling tapat sa kanilang pangunahing responsibilidad na itaguyod ang “law and order” at panatilihin ang kanilang “political neutrality.”
Binigyang-diin ni Gen. Marbil na tungkulin ng PNP na pangalagaan ang demokratikong proseso at hindi makihalo dito.
Babala ni Gen. Marbil, ang sinumang pulis na makikisawsaw sa politika ay mabilis na papatawan ng kaukulang parusa. | ulat ni Leo Sarne