Nananatiling positibo ang Philippine National Police (PNP) na nasa loob pa rin ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound si Pastor Apollo Quiboloy.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Public Information Office Chief Police Colonel Jean Fajardo, na isang indikasyon nito ang ang matinding pagpupumiglas ng mga tagasunod ni Quiboloy para pigilan ang ginagawang operasyon at paghahalughog ng kapulisan sa lugar.
Ayon pa kay Fajardo, posibleng may informant ang mga taong nade-detect nilang nagtatago sa underground facility ng nasabing compound.
Ito ay dahil tila lumilipat ng lugar ang mga ito sa tuwing na-de-detect sila ng kagamitan ng PNP.
Inamin ni Fajardo, na isa rin ito sa mga dahilan kaya pahirapan ang paghanap kay Quiboloy.
Sa kabila nito, una nang nagpahayag ng kumpiyansa si Police Regional Office (PRO) 11 Regional Director Police Brigadier General Nicolas Torre, na malapit nang mahuli si Quiboloy. | ulat ni Leo Sarne