Kinumpirma ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na may dalawa pang panibagong kaso ng Monkeypox o MPOX ang naitala sa Lungsod Quezon.
Ayon sa alkalde, isang 29 at 36-taong gulang na lalaki ang na-detect na nagpositibo sa MPOX.
Sa ngayon, parehong sumasailalim na sa home isolation at medical attention ang dalawang pasyente.
Sa ulat QC Epidemiology and Surveillance Division, nagpakita ng sintomas ang 29-taong-gulang na pangalawang kaso ng MPOX noong Agosto 21 at nagpositibo noong Agosto 30 matapos ang pagsusuri.
Samantala, ang ikatlong kaso ng 36-taong gulang ay nakaranas ng lagnat noong Agosto 26 at nagpositibo noong Setyembre 5.
Nagsagawa na ng contact tracing ang LGU sa mga nakasalamuha ng dalawang pasyente.
Tiniyak ni Mayor Belmonte, na hindi pababayaan at handang tumulong ang lokal na pamahalaan para sa mabilis na pagpapagaling ng mga pasyente.
Payo pa ng alkalde na mahalaga ang mag ingat upang hindi mahawa sa virus dahil malala ang epekto nito lalo na sa mga taong mahihina ang immune system. | ulat ni Rey Ferrer