Mahigpit na seguridad ang ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) sa pagdadala kay dismissed Bamban Mayor Alice Guo sa Senado ngayong umaga.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, nakipag-coordinate na ang PNP sa Senate-Sergeant-at-Arms noon pang Biyernes para sa pagdalo ni Guo sa hearing ng Senado ngayong araw.
Sinabi ni Fajardo na inaasahang ibibyahe si Guo mula sa PNP Custodial Center patungo sa Senado dakong alas-8 ng umaga, na escorted ng security convoy na kinabibilangan ng mga babaeng pulis at mga miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT).
Bilang bahagi ng security arrangements, si Guo ay nakaposas at nakasuot ng bulletproof vest sa biyahe.
Sinabi ni Fajardo na sineseryoso ng PNP ang sinabi ni Guo na nakatatanggap siya ng banta sa kanyang buhay. | ulat ni Leo Sarne