Walang naitalang anumang untoward incident ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng patuloy na tigil-pasada ng mga grupong PISTON at Manibela.
Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo, batay sa monitoring ng NCRPO, nananatiling mapayapa ang transport strike simula pa kahapon.
Dagdag pa niya, tinatayang nasa 400 ang kanilang na-monitor na lumahok sa tigil-pasada kahapon, habang nasa 100 naman ang nakikilahok ngayong araw.
Kabilang sa mga lugar na mahigpit na binabantayan ng pulisya ang Quezon City, Pasig City, Pasay City, Muntinlupa City, at Parañaque City kung saan may mga nagtitipon-tipong mga tsuper at operator.
Kaugnay nito, nagtalaga ang PNP ng sapat na bilang ng mga pulis upang masiguro ang kaayusan at kapayapaan sa gitna ng isinasagawang tigil-pasada.
Ang dalawang araw na transport strike ay patuloy na pagpapakita ng pagtutol ng PISTON at Manibela sa PUV modernization program ng pamahalaan. | ulat ni Diane Lear