Personal na ipinamahagi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang tulong pinansyal sa dating mga rebelbe sa lalawigan ng Misamis Occidental nitong Biyernes, Setyembre 27, sa Tangub City Global College Sports Complex, Lungsod ng Tangub.
Tinatayang nasa mahigit ₱1 milyon ang kabuuang halaga ng naturang tulong pinansyal para sa 120 mga dating rebelde sa lalawigan na kung saan makakatanggap ang mga ito ng tig-₱10,000 bilang bahagi ng kanilang muling pagbalik-loob sa lipunan.
Sa panayam sa isang dating rebelde at benepisyaryo na si alyas Larry Jimmy, sinabi niya na marami siyang natanggap na tulong mula sa pamahalaan at umaasa rin siya na sana maging sa mga susunod na panahon ay patuloy pa rin siyang makakatanggap ng tulong para sa pagpapatuloy ng pag-aaral ng kaniyang mga anak.
Nagpapasalamat din si Jimmy kay Pangulong Marcos Jr., dahil sa mga tulong na ibinabahagi sa kanila at dahil personal din itong makipag-salamuha sa taumbayan.
Ito ay sa pamamagitan ng Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na naglalayong magtatag ng iba’t ibang programa upang tugunan ang psychosocial, socioeconomic, kultural, at pampulitikang aspeto ng mga dating miyembro ng iba’t ibang mga armadong grupo.| ulat ni Sharif Timhar| RP1 Iligan