Hindi bababa sa 10 kababaihan na sinasabing biktima ng prostitusyon ang nasagip ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).
Ito’y sa magkahiwalay na operasyon na kanilang ikinasa sa mga bayan ng Tayabas at Lucena sa Quezon Province kung saan dalawang prostitution den ang nalansag.
Ayon kay PNP-ACG Director, PMGen. Ronnie Francis Cariaga, isinagawa ang operasyon sa bisa ng dalawang Warrants to Search, Seize and Examine Computer Data na inilabas ng Calamba City Regional Trial Court (RTC).
Ito’y matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa online prostitution na ginagawa sa bahay ng mga suspek na siyang nagsisilbing prostitution den.
Dahil sa isinagawang cyberpatrolling ng pulisya, natunton ang kinaroroonan ng mga sinasabing pugad ng prostitusyon kaya’t agad silang nagsagawa ng pagsalakay.
Nasamsam sa naturang mga prostitution den ang computer set kung saan nagsasagawa ng online show ang mga biktima na nambibiktima sa mga banyagang parokyano nito gamit ang credit card.
Kaya naman inaresto ng pulisya ang mga operator ng nasabing drug den at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act of 2012. | ulat ni Jaymark Dagala