Inirekomenda ng Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police (PNP) na tanggalin sa serbisyo ang 11 pulis na sangkot sa “moonlighting” o ilegal na pag-eescort ng mga VIP.
Kasama sa mga pinasisibak ng IAS ang anim na police commissioned officers, kabilang ang isang police lieutenant colonel, at limang police non-commissioned officers.
Ayon kay Inspector General Brigido Dulay, lumitaw sa imbestigasyon na nagkasala ang mga pulis ng grave misconduct, grave dishonesty, at conduct unbecoming. Nabatid na nasangkot sa isang kontrobersyal na insidente sa Ayala Alabang subdivision, noong Mayo 2024 ang mga pulis.
Ayon sa IAS, nagkaroon ng gulo kung saan humingi ng tulong ang isang security guard mula sa naturang eksklusibong subdivision matapos na magreklamo ang mga residente tungkol sa kaguluhang dulot ng dalawang pulis mula sa Special Action Force (SAF), na umano’y nagmo-“moonlighting” bilang security escort ng isang Chinese national na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Natuklasan na ang mga pulis ay nagbibigay ng serbisyong pangseguridad nang walang pahintulot mula sa Police Security and Protection Group. Ito ay malinaw na paglabag sa mga patakaran ng PNP.
Sinabi pa ng IAS, na nagkaroon ng sabwatan sa ilang opisyal ng SAF sa Zamboanga City upang pagtakpan ang mga iligal na gawain ng mga pulis sa Ayala Alabang.
Pinalabas na ang dalawang miyembro ng SAF ay nagtatrabaho sa kanilang mga unit sa 52nd Special Action Company Zamboanga at 55th Special Action Company Zamboanga, ngunit hindi ito totoo. | ulat ni Diane Lear