Arestado ng National Bureau of Investigation ang nasa 15 Chinese nationals, isang Malaysian at isang Taiwanese na sangkot sa iba’t-ibang uri ng online scamming.
Iniharap kay NBI Director Judge Jaime B. Santiago ang mga suspek na nahuli sa pinaigting na cyber patrolling at intelligence gathering ng ahensya.
Ayon kay Santiago, naaresto ang mga suspek noong Oct. 11 sa bisa ng search warrant sa #3840 Mascardo Street, Tejeros, Makati City
Dito, narekober ang ibat ibang electronic devices gaya ng desktop computers, laptops, at cellphones na ginagamit ng grupo para makapangbiktima.
Kabilang aniya sa modus ng mga ito ay love scam, cryptoinvestment scam at ang mga biktima ay kadalasang mga dayuhan din.
Ayon pa sa NBI, posibleng ang mga ito ay kumalas sa malaking POGO hub at gumawa nalang ng sariling operasyon kasunod ng ban ng Pangulo sa POGO.
Posibleng maharap ang mga suspek sa paglabag sa RA No. 12010 (Anti-Financial Account Scamming Act at RA No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012). | ulat ni Merry Ann Bastasa