Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang kahandaan nito sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa darating na Undas sa Biyernes, November 1.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PBGen. Jean Fajardo, mahigit 18,000 pulis ang kanilang ipakakalat sa iba’t ibang himlayan sa buong bansa para umalalay sa publiko na gugunitain ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Gayunman, sinabi ni Fajardo na magkakaroon ng kaunting adjustment sa kanilang security deployment lalo na sa mga lugar na matinding sinalanta ng nagdaang bagyong Kristine.
Ito’y upang mabigyan ng pagkakataon ang mga pulis na sumabak sa rescue at relief operations na gunitain din ang Undas at makapaling ang kanilang pamilya.
Kasunod nito, sinabi ni Fajardo na binibigyang kapangyarihan ng liderato ng PNP ang mga Regional director at Field commander na magtaas ng alerto, depende sa sitwasyon sa kanilang nasasakupan. | ulat ni Jaymark Dagala