Tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) na konektado sa Regional Guerilla Unit ng Ilocos-Cordillera Regional Committee ang nadakip sa magkasanib na operasyon ng militar at pulisya.
Batay sa ulat mula sa Northern Luzon Command, ang tatlong miyembro ng Communist Terrorist Groups (CTG) ay nahuli sa Barangay Manag, Conner, Apayao, noong Oktubre 8.
Naging matagumpay ang operasyon dahil sa impormasyong ibinahagi ng isang concerned citizen tungkol sa presensya ng armadong grupo sa lugar.
Kabilang sa mga nadakip ang commanding officer ng Regional Sentro De Grabidad, isang political instructor, at isang organizer na siyang namumuno sa edukasyon ng Guerilla Front-KLG Baggas.
Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang dalawang M16A1 rifles, mga granada, mga bala, at mga pampasabog. | ulat ni Diane Lear