Arestado na ng Police Regional Office (PRO) 9 ang tatlong suspek sa pagdukot sa Amerikanong national sa Zamboanga del Norte.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, nasa kustodiya na nila ang tatlong suspek habang pinaghahanap pa ang tatlo pa nilang kasamahan.
Dagdag pa ni Fajardo, may direct participation sa kidnapping ang tatlong mga suspek at napag-alaman na ang dalawa sa kanila ay may kasong murder at miyembro ng isang kriminal na grupo.
Kasong Kidnapping and Serious Illegal Detention ang isinampa laban sa anim na suspek, kabilang ang ilang hindi pa nakikilalang indibidwal, sa Provincial Prosecutors Office sa Sindangan.
Matatandaang noong gabi ng October 17 nang dukutin ang Amerikanong si Elliot Onil Eastman sa Sitio Tungawan, Barangay Poblacion, Sibuco, Zamboanga del Norte.
Nakita ang biktima na isinakay sa isang bangka na tumungo sa direksyon ng Sulu at Basilan.
Sa ngayon, wala pang impormasyon ang Philippine National Police kung buhay pa ang dinukot na Amerikano. | ulat ni Diane Lear