Tumulong na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa paghahanap ng Philippine National Police (PNP) sa American national sa Zamboanga Del Norte.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, nagsagawa na ng coastal patrol ang mga awtoridad katuwang ang AFP at Philippine Coast Guard sa lugar kung saan umano dinala ang biktimang si Elliot Eastman.
Sa ngayon ay wala pa umanong indikasyon na nakatawid na sa Sulu o Basilan ang apat na suspek na gumamit ng bangka matapos barilin sa binti ang kinidnap na dayuhan.
Tiniyak naman ng AFP na handa sila sa tracking at pursuit operations.
Nagpunta na rin sa Zamboanga del Norte ang Federal Bureau of Investigation para silipin ang itinatakbo ng kaso.
Matatandaang dinukot ng hinihinalang local terror group ang 26 taong gulang na American national noong October 17.
Pero hanggang sa ngayon ay wala pang kumo-contact sa asawang Pilipinang asawa ni Eastman para manghingi ng ransom. | ulat ni Diane Lear