Kagyat na nangangailangan ngayon ang lalawigan ng Albay ng mga malalaking sasakyan para sa rescue at clearing operations ayon kay AKO Bicol Party-list Representative Jill Bongalon.
Sa mensahe sa Radyo Pilipinas, sinabi ni Bongalon na kailangan nila ng mga sasakyan para makapaglikas pa ng mga residenteng naipit sa pagbaha dahil sa pananalasa ng bagyong Katherine.
Tinulungan na rin aniya ng Ako Bicol Party-list ang mga na-stranded na pasahero sa Tabaco at Pilar Port at tumulong na mailipat sa mga evacuation center mula sa passenger terminal.
Nagpaabot na rin aniya sila ng pagkain sa mga lumikas at nananatili sa evacuation centers.
“Nagpakain na kami sa mga stranded passengers sa Tabaco and Pilar port. Yung iba, nilipat din namin from passenger terminal to evacuation center,” pagbabahagi ng mambabatas.
Ngayong araw, ang kanilang tututukan ay rescue at clearing operations dahil may mga naitalang pagguho ng lupa dahilan para hindi madaan ang mga kalsada.
Oras na malinis ito ay saka naman aniya nila isusunod ang pagpapaabot ng relief goods.
“Immediate needs are large vehicles for the rescue operations especially sa flooded areas…Yes, nagpakain na kami sa mga stranded passengers sa tabaco and pilar port. Yung iba, nilipat din namin from passenger terminal to evacuation center,” sabi ni Bongalon.
Makikipag-ugnayan din aniya sila sa Office of the Speaker para sa iba pang tulong na kakailanganin ng mga apektadong residente. | ulat ni Kathleen Jean Forbes