Pinalawak ng Department of Health ang suporta sa mga pasyenteng may sakit na cancer sa pagpapasinaya ngayong araw ng isang bagong Cancer Care Center sa East Avenue Medical Center (EAMC) sa Quezon City.
Pinangunahan mismo ni Health Sec. Teodoro Herbosa at EAMC Medical Center Chief II Dr. Alfonso Nuñez ang pagpapasiya sa pasilidad na magsisilbing Advanced Comprehensive Care Specialty Center.
Ayon kay Sec. Herbosa, bahagi pa rin ito ng pagpapalawak sa Universal Health Care at magbibigay ng de-kalidad at abot-kayang pangangalaga sa mga pasyente nito.
Ayon sa DOH, ang Cancer Care Center ay isang limang-palapag na pasilidad na may state-of-the-art medical equipment.
Magbibigay ito ng mga serbisyo sa Radiation Oncology, Medical Oncology, Nuclear Medicine, at Breast Care.
Target pa ng DOH na maging pangunahing referral center para sa breast cancer ang naturang pasilidad pagtuntong ng 2028. | ulat ni Merry Ann Bastasa