Umarangkada na rin ang ‘Bagong Pilipinas Information and Serbisyo Caravan’ ng pamahalaan sa Barangay Kiazar, Tagoloan, sa Lalawigan ng Lanao del Norte.
Tinatampok dito ang iba’t ibang mga serbisyo mula sa iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan kabilang ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Department of Agriculture (DA), Department of Education (DepEd), Philippine Statistics Authority (PSA), at marami pang iba.
Pinangunahan ito ng Regional Development Council-X katuwang ang Philippine Information Agency (PIA), lokal na pamahalaan ng Tagoloan, Provincial Government ng Lanao del Norte, at iba pang stakeholders.
Nagpahayag ng pasasalamat si Tagoloan Mayor Engr. Maminta S. Dimakuta, kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Lanao del Norte Governor Imelda Quibranza-Dimaporo, dahil umabot sa kanilang bayan ang mga serbisyo ng pamahalaan.
Ayon naman sa 60-anyos na si Normina S. Dimakuta, nagpalista siya sa Land Transportation Office (LTO) upang ipa-renew ang kaniyang driver’s license dahil mawawalang bisa na ito sa susunod na buwan.
Kaugnay nito, patuloy ang pamahalaan sa paghahatid ng 8-point socioeconomic agenda ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. | ulat ni Sharif Timhar, Radyo Pilipinas Iligan