Sinisikap na ng Department of Agriculture na mapabilis ang bakunahan kontra African Swine Fever o ASF.
Ito ay kasunod na rin ng naitalang mataas na antibodies mula sa mga unang baboy na nabakunahan sa Lobo, Batangas.
Gayundin ang panawagan ng grupo ng magbababoy at swine industry para magkaroon na ng emergency use authorization (EUA) sa bakuna kontra ASF.
Ayon kay DA Asec. for Swine and Poultry Constante Palabrica, nabakunahan na rin nitong weekend ang ilang farm sa Lipa, Batangas.
Aminado naman itong sa ngayon ay mabagal pa ang takbo ng bakunahan dahil wala pa sa 1,000 baboy ang natuturukan.
Kasama ngayon sa pinagaaralan ng DA ang pagbabago ng istratehiya para mapabilis ang proseso ng bakunahan.
Kabilang rito ang pagbabakuna na rin sa malalaking piggery farms.
Una na ring sinabi ng DA na plano nitong maging commercially available na rin ang bakuna kontra ASF bago matapos ang taon. | ulat ni Merry Ann Bastasa